Walking on my Toes : Insomniac si Sleeping Beauty

Labels

Thursday, September 12, 2013

Insomniac si Sleeping Beauty


Nga pala, alam mo ba kung bakit natusok ng karayom ang prinsesa?

Pasaway na Prinsesa

Sobrang makulit at malikot na dalaga si Aurora. Binalaan na siya na huwag hahawakan, o lalapit man lang sa karayon. Ngunit, hindi siya mapakali, pasaway siya, ginawa niya parin, at doon nagsimula ang kanyang pagtulog. "Ang pasaway na magandang babae" ang dapat na pamagat ng fairytale niya. Ngunit kung hindi dahil sa pagiging pasaway niya, walang magpapatunay, na ang halik ng tunay na pagibig ang pinakamakapangyarihang mahika sa mundo.


Ibig sabihin nararapat pala ang masaklap na pagkakasumpa kay Aurora.

Parang gusto ko nalang matusok ng karayom na nakapagpatulog kay Aurora, para makatulog sa mga gabing parang ang haba haba haba haba at ang haba talaga ng kadiliman.

May mahika nalang sana na makapagpapa-antok sa mga mata ko. Gusto kong sumakay ulit sa duyan ko noong sanggol pa. Nais kong makarinig ng lullaby na maghehele sa akin. Kapag alas kwatro na ng umaga at mulat parin ako, ayan na, maririnig ko na ang tilaok ng mga manok. Ang sarap gilitan ng mga manok habang nagsasagutan sila.

Ayon kay ginoong Webster, ang Insomnia ay kondisyon kung saan hindi makagawa ng tulog sa loob ng mahabang oras. Walang tao o sinumang prinsipe prokopyo na hahalik sa aking mga labi at magliligtas. Ang masaklap nito, wala.

Kabaligtaran sa istorya ni Aurora. Ito nga ba ang aking sumpa?


Prinsesang Nakaupo sa Tasa

Buong buhay ko, naiwan sa diwa ko na isa akong prinsesa. Hindi nawala sa akin ang pagkamangha sa mga kasimplehan ng mundo. Kulang na lang marinig ko ang boses ng mga bulaklak, ang binubulong ng hangin, ang maintindihan ang kumpas ng mga paru-paro, at ang mapa-sayaw sa indayog ng mga dahon. 

Ako ang prinsesang kariton ang kastilyo, binayubot na kumot ang gown, at head band ang tiara. Ngunit, lahat ng idino-drawing ko, ay nagkakatotoo.

Ang Managinip habang Gising

Naalala ko pa noong nakasakay ako sa kabayo ko, habang haribas na ako sa bilis. Pero ang totoo, sakay lamang ako ng 4-wheel bike ko. May araw na sakay ako ng isang matayog na lobo, hindi ko pa noon alam na Hot air balloon ang tawag doon. Bawat gawin ko ay hango sa mga nangyayari sa isang mumunting mundo kung saan matingkad na krayola ang ipinangkulay, ang libro ng mga kwentong bibit o sa Ingles--cartoon.

Ayokong alisin ang pagiging bata ko dahil para ko naring binago ang pangalan ko. Laging mulat ang aking malikot na imahinasyon.

Kung si Sleeping Beauty man ay isang insomniac, habang gising siya, masasabi niyang, nabuhay siya nang ayon sa kagustuhan niya. Malay ko ba, kung kailan siya matutulog ng sobrang tagal na hindi na niya kailangang gumising. 


Isa akong insomniac, at sumpa ko ito. Isang masaklap na matamis na sumpa.


No comments:

Post a Comment